Sa gilid ng aking mga mata, nakikita ko ang isang babae na nakahiga at unti-unting umaangat mula sa ilalim ng taniman ng mga rosas. Maputik ang kanyang damit at laslas ang kalahati ng mukha—sa may bibig, halos nakasabit na lang ang kanyang panga. Nang mga dalawang dangkal na ang taas niya mula sa lupa, tumigil siya sa paglutang.
Wala nang balak si Atan na magtago. Unti-unti na niyang inilalabas at tinutuklas ang kakayahang makakita ng mga multo. Ito ay para sa sarili niyang kapakanan, at para na rin kay Psalm na itinuturing na niyang higit pa sa isang kaibigan. Pero parang lalo lang silang napahamak sa ginagawang pagtuklas. Lalo na at unti-unti nang nabubunyag ang tunay na pagkatao ni Psalm at ng mga nakapalibot dito.