“Kaya kong maghintay kahit gaano pa katagal. Ang mahalaga, huwag kang mawala sa `kin.”
Puppy love ni Niña si Ariel. Pangarap niyang maikasal sa binata kapag nasa tamang edad na sila. But some dreams just don’t come true. Kaibigan lang kasi ang tingin ni Ariel sa kanya.
“Iba na lang ang gustuhin mo. Iyong magugustuhan ka rin, tulad ko halimbawa,” sabi ni Jacob, ang kuya ni Ariel.
“No way! Ayoko sa `yo. Hindi ka naman cute gaya ni Ariel. Saka ang yabang-yabang mo. Palagi mo pa akong tinutukso. Saka ang tanda-tanda mo na, `no? Ayoko sa matanda, eew!”
“Paglaki mo, mare-realize mo rin na totoo ang sinasabi ko at makikita mong hindi naman talaga gano’n kalaki ang age gap natin. Kaya kung ako sa `yo, ako na lang ang gawin mong crush.”
Nang umalis si Ariel para mag-aral sa ibang bansa, unti-unting natanggap ni Niña na hindi talaga sila ang para sa isa’t isa.
“Tell me na ako na ang gusto mo and I’ll reserve myself for you,” sabi ni Jacob. “Hindi ako manliligaw ng ibang babae. Hihintayin kong magdalaga ka at liligawan kita. Magiging mag-boyfriend-girlfriend tayo, then we’ll get married.” Kinuha ni Jacob ang kanyang kamay at hinagkan ang bawat dulo ng kanyang mga daliri.
Nag-iinit ang mga pisngi na binawi ni Niña ang kamay mula sa binata. Gusto niyang mainis.
Pero bakit may kaba siyang naramdaman at hindi niya mapigilang ma-excite? Parang gusto na niyang maging ganap na dalaga.